
Princess Dato
Halina't alamin ang aking nagawang personal blog na naglalaman ng mga sumusunod:
I. Pananampalataya at Espiritwalidad
II. Pagpapahalaga sa Buhay
III. URPP Template
Ang Halaga ng Aking Pananampalataya sa Paglago ng Aking Pagkatao:
Bilang isang indibidwal, alam ko na mahalaga na ako ay mayroong pananampalataya sa Panginoon upang lumago ang aking pagkatao. Kung titignan natin ang realidad, sa buhay natin ay hindi natin maiiwasan na makaharap ng mga problema. Sa kabila ng lahat ng mga ito, ang ating dapat na isipin ay mayroon tayong Panginoon na palaging nandyan sa ating tabi at handang gawin ang lahat upang tayo ay mailigtas. Isipin natin na ang bawat pangyayari na ating nararanasan ay mayroong dahilan. Magiging masaya tayo sa ating buhay kung magtitiwala tayo sa Diyos.
Napakaraming pangyayari na ang aking napagdaanan na sumubok ng aking katatagan. Ang Panginoon ang siyang naging aking sandalan sa mga panahon na sa tingin ko ay hindi ko na kaya. Kung minsan ay ipinagdarasal ko na lamang ang lahat ng sakit na aking naramdaman noon upang ako ay makabangon muli at maging masaya sa aking buhay. Palagi ko rin sinasabi sa aking pamilya at kakilala na huwag lamang magdasal kapag mayroong kailangan. Dapat ay magdasal tayo palagi upang magpasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob sa atin. Ang paggising pa lamang sa umaga ay isang bagay na dapat natin ipagpasalamat sa Diyos.

5 Faith GoalCasts- Mga Hakbang sa Pagpapalago ng Sariling Pananampalataya at Espiritwalidad
1. Palaging magdasal at huwag lamang sa mga panahon na mayroon kang kailangan. Mahalaga na ipakita natin sa Panginoon na tayo ay nagpapasalamat para sa buhay na ipinagkaloob niya sa atin.
2. Mahalaga rin na tayo ay maglaan ng sapat na oras para magsimba kasama ang mga mahal natin sa buhay. Maganda kung makikinig tayo sa mga salita ng Diyos at nararapat lamang na sundin natin ang kanyang 10 utos.
3. Huwag sisihin ang Panginoon kung mayroon mang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ang mga problema ay parte ng paghahanda para sa magandang bagay na darating sa ating buhay. Dapat tayong magtiwala sa Diyos at sa ating sariling kakayahan.
4. Bilang anak ng Diyos, maipapakita rin natin ang ating pagmamahal sa Panginoon kung pinapahalagahan natin ang ating kapwa. Mahalaga na tratuhin natin sila ng tama at huwag tayo gagawa ng paraan upang mapahamak sila.
5. Mahalaga rin na pahalagahan natin ang kanyang mga nagawa. Kabilang na rito ang mga hayop, halaman, at iba pa. Panatilihin natin na malinis ang ating kapaligiran at magtanim pa tayo ng maraming puno sapagkat marami itong benepisyo para sa ating lahat.

Ang Halaga ng Aking Buhay Tungo sa Pagpapakatao at Pakikipagkapwa
Bilang bahagi ng lipunan, mahalaga na maintindihan nating lahat na kailangan tayong makibahagi sa mga gawain sa ating paligid. Sa buhay na ipinagkaloob sa atin, kailangan natin maunawaan na tayo dapat mismo ang gumalaw patungo sa ikabubuti nating lahat. Kailangan natin maisip na dapat nating sulitin ang oras na mayroon tayo at gawin ang mga bagay na sa tingin natin ay tama. Bilang bahagi ng kabataan, nauunawaan ko rin na kailangan ay maging isang mabuting halimbawa ako sa aking kapwa upang kami ay pare-parehong umunlad.
Naaalala ko na mayroon akong isang nabasang kwento ukol sa isang lalaki na isang dating gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Noong mayroong nakakita sa kanya, tinulungan siya at ipinasok sa isang rehabilitation center. Pagkalipas ng ilang panahon ay bumuti na ang kanyang lagay at siya ay naging isang pari. Ngayon ay patuloy niyang ibinibahagi ang kanyang kwento upang magsilbing aral sa mga makakarinig. Sa kabila ng mga maling nagawa niya noon ay pinili niya na muling bumangon at magsilbing inspirasyon pa sa kanyang kapwa.


10 Life Goals
1. Makapagbasa ng maraming libro
2. Makatapos ng kolehiyo kung saan ang aking kurso ay accountancy
3. Makapasok sa isang law school
4. Makapasa ng bar exam
5. Makakuha ng magandang trabaho
6. Makapag-ipon ng pera
7. Makapagpatayo ng aking sariling business
8. Makalibot sa buong mundo kasama ang aking mga mahal sa buhay
9. Mabigyan ng bahay ang aking mga magulang
10. Makapagpatayo ng aking sariling bahay

10 Gratitude Statements in Life
Nagpapasalamat ako dahil mayroon ako ng mga sumusunod:
• Ang Diyos na hindi ako pinapabayaan kahit kailan
• Pamilya na palaging nandyan para sa akin
• Mga kaibigan na aking nasasabihan kapag mayroon akong problema
• Mga guro na handang ituro sa amin ang mga tamang gawain
• Kapwa na aking makakasama patungo sa pag-unlad
• Komportableng bahay na natitirhan
• Masasarap at masusustansyang pagkain
• Maiinom na malinis na tubig
• Aking minamahal na alagang aso
• Pagkakaroon ng kaalaman pagdating sa mga bagay-bagay

URPP Template
Kung ating pag-uusapan ang isyu patungkol sa pagpapahalaga at paggalang sa buhay, makikita sa video na talagang maraming buhay ang kasama at naaapektuhan dito. Hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga tao na magkasalungat ng paniniwala ukol dito. Marami ang nasa panig ng pro-choice pero marami rin ang nasa panig ng pro-life. Kung titignan natin ang kalagayan ng mga tao, mayroon silang mga dahilan kung bakit nila pinapanigan ang bawat panig. Para sa aming mga pro-choice, naniniwala kami na dapat ay nasa desisyon ng ina kung ipagpapatuloy niya ang kanyang pagbubuntis dahil napakaraming bagay ang maaaring nakaimpluwensya sa kung bakit yun ang kanyang kagustuhan. Halimbawa na lamang, kailangan ipalaglag ang bata dahil kapag pinagpatuloy ang pagbubuntis ay maaaring mamatay ang ina. Sa kabilang banda, para naman sa mga pro-life, gusto nila mabigyan ng tiyansa ang bata na mabuhay. Sa tulong ng pang-unawa sa mismong sitwasyon at ugat nito, mas maayos akong makakapag-isip kung ano ba ang magandang desisyon. Kung aking uunawain muna ang bawat sitwasyon, mas malilinang ko ang pagsasabuhay ng paggalang sa buhay. Natitimbang ko ang mga bagay-bagay at naiisip ko kung ano ang maaaring mangyari kapag pinili ko ang bagay na iyon.
